January 31, 2010
· Filed under Weblogs
Okay na, re-energized na ulit ako sa pagtuturo. Masarap magliwaliw nang malayo sa Kamaynilaan – nalilimot ang lahat ng mga problema. Salamat sa mga siyudad ng Iloilo at Bacolod. Pero Lunes na naman pala bukas, balik na naman sa masalimuot na siklo ng pamumuhay. Pero tiyaga lang lalupa’t Pebrero na, ang pinakaaabangang buwan ng taon…
December 23, 2009
· Filed under Weblogs
Sa lahat ng aking mga estudyante sa pamantasan, mga kasamahan sa trabaho, mga mahal sa buhay (mga minahal, minamahal, at mga mamahalin pa lamang sa hinaharap), mga nakaaway (o makakaaway pa lamang sa isang taon), sa mga nagmamalasakit at sa mga taong walang malasakit - isang makabuluhan at mapagpalayang Kapaskuhan sa inyong lahat! Kapayapaan at kasaganahan sa ating lahat. Mabuhay!
November 25, 2009
· Filed under Current Affairs
Nakagugulantang – mga taong walang awang pinagbabaril at pinagpapatay, at pagkatapos ay inilibing lahat na parang mga hayop… Maguindanao – lugar ng mga magkakatunggaling angkan. Eh sino ba ang dapat sisihin sa nakaririmarim na pangyayaring ito? Punyetang pulitika ito sa ‘Pinas.
November 24, 2009
· Filed under Weblogs
Ang lahat ay nagulantang sa panganganak ng aming asong hindi namin alam na buntis pala. Isang makintab na itim na tuta ang lumabas noong gabi ng Linggo. Hindi halatang buntis – malusog lang marahil. P’wede pala ‘yun. Kakaiba…
October 29, 2009
· Filed under Uncategorized, Weblogs
Tapos na naman ang semestre. Pero halos wala ring pahinga. Gawaan na kasi ng grades. Mag-iisip ka na naman kung sinu-sino ang mga kakaawan mo at papalampasin mo na sa klase mo o sinu-sino ang mga paparaanin mo pa sa isa pang pagsubok. Nasa probinsya ka nga, bitbit mo naman mga bluebooks at gradesheets mo. Hay. Sa halip na magtanim at magluto ka na lang sa Facebook, mag-che-check ka pa at mag-co-compute ka pa ng mga grades. Sayang tuloy sa mga XP at Café Points…
September 30, 2009
· Filed under Weblogs
Muli, isang mahalagang anunsyo para sa aking mga mag-aaral ng Kasaysayan ng Pilipinas: Dahil sa mga kaganapang may kinalaman sa hagupit at pinsalang dulot ng bagyong ‘Ondoy’, at dahil na rin marahil sa napipintong kabiguan ng nakararaming mga estudyanteng hindi nila maipapasa ang dapat maipasa ngayong linggo (dahil na rin sa iba’t ibang mga dahilan at palusot), ang pasahan ng proyektong papel ay iniuurong patungong Oktubre 5 (para sa mga klase ng MTh) at Oktubre 6 (para sa mga klase ng TF).
Magdiwang. Magsaya. Gawin na ang mga dapat gawin ngayong Linggo ng gabi. Huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Kumilos na. Bago pa maubos ang mitsa ng panahon, at pasensya…
September 30, 2009
· Filed under Weblogs
Sa mga estudyante ko ng NSTP-CWTS Area Studies freshies (pati na rin sa organisasyon ng mga majors namin) na lumahok sa relief at clean-up operations ng iba’t ibang samahan at institusyon bunsod ng pinsalang idinulot ng bagyong ‘Ondoy‘, maraming maraming salamat sa inyong suporta at pakikiisa upang maibsan man lamang kahit papaano ang hirap at pighating kasalukuyang dinaranas ng ating mga kababayan. Isabuhay natin sa tuwina ang bayanihang Pilipino. Mabuhay kayong mga tunay na Iskolar ng Bayan!
September 15, 2009
· Filed under Weblogs
Lintek na kumpanya ng telepono ito. Naglinis ng mga kawad sa poste, kasamang nilinis ang mga dial tone ng halos isang buong lokalidad sa amin. Dapat sa mga linesmen na gumawa nito eh putulan din ng ano, ng mga sweldo. Napaka-iresponsable. Ang laking perwisyo ng mga gumawa nito: isang linggong walang telepono at internet (at FB!) na kailangan ko sa trabaho…
Sabado (Setyembre 5) nang ginawa ang katangahan, Lunes (Setyembre 7) nang tinawagan ang kumpanya para iulat ang nangyari, Sabado (Setyembre 12) na ulit eh wala pa ring nangyayari. Lunes (Setyembre 14), tumawag ulit. Tatawag ka sa kanila, sasabihin ng mga sasagot na ‘pasensya na po’. Ang gagalang. Mga tupa. Gan’un lang kasimple – pag sila ang nakagawa ng ganito, ‘paumanhin po’. Pero pag ikaw, hindi nakabayad ng utang mo, putol ang linya mo. At kahit ganito ang ginawa nila, asahan mong buo pa rin ang singil nila batay sa bill mo. Mga tampalasan. Nagngingitngit ako. Grrrrrrrrrrrrrrrr. Mag-iisip ka talagang mag-Bayantel na lang…
August 12, 2009
· Filed under Current Affairs
Okay ito ha. Ang sabi ng abogado ng ating mahal na pangulo eh walang dapat sisihin kundi ang media dahil sa paglaki ng isyu ukol sa paglamon at pagtoma na ginawa ng mga kagalang-galang na delegasyon ng mga Pinoy doon sa mga mamahaling restaurant sa New York. Kasalanan pala ng media kung bakit nalaman ng taumbayan ang ginawang pagpapakasasa ng mga pinagpipitagan nating mga opisyales sa mga masasarap na pagkain doon sa kabilang ibayo. Ito ay naganap habang si Juan dela Cruz ay nagugutom dahil walang maihain sa hapag-kainan at nagluluksa dahil sa pagpanaw ng isang dating pangulong kaiba ang pag-uugali sa kasalukuyang nasa poder. At pusang gala, dalawang ulit pa pala itong ginawa. Sa’n ka pa?
Lintek, bukas na bukas eh bibili ako ng pagkain d’yan sa Bon Vivant sa Robinson’s. Solb na ako d’un sa Chix o Babes in the Sea-ty. Kakagutom ha…
August 12, 2009
· Filed under Weblogs
Manalangin tayo… “Bathala, kasihan mo nawa ng kaliwanagan sa pag-iisip, sipag sa trabaho, at pagmamalasakit sa kapwa-tao ang mga bumubuong kawani ng tanggapan ng Accounting ng U.P. Manila… Huwag na sanang humantong pa sa pagdanak ng dugo ang lahat ng mga panggigipit na ginagawa sa aming mga guro, sampu ng aking mga kasamahan sa departamento… Umayos sana kayong lahat na nand’yan, sapagkat hindi na kayo nakakatuwa at lubhang hindi na kami natutuwa… Siya nawa.”