Carriedo: Ang Kalsada at Ang Pilantropo
Carriedo Street. Carriedo Station. Sa isang payak na pedestriyan o komyuter, pamilyar ang mga pangalang ito. Kung ikaw ay tutungo sa Simbahan ng Quiapo o maging sa SM Quaipo upang makipagtagpo sa iyong kasuyo, tumbok ng kalsadang ito ang mga nasabing tagpuan, lalupa’t kung ikaw ay manggagaling sa Rizal Avenue o mas kilala bilang Avenida. Kung isa ka namang masugid na pasahero ng LRT, pihadong nadaanan mo na ang istasyong ito minsan sa iyong buhay. Kung hindi mo pa batid (o kung madalas kang tulog sa biyahe ng tren), ito ay nasa pagitan ng mga istasyon ng Central Terminal (malapit sa may Manila City Hall) at Doroteo Jose. Mas lalo pang sumikat ang kalsadang ito nang ilipat ng NBI ang kanyang mahalagang tanggapan para sa mga taong nagnanais kumuha ng clearance upang makapagtrabaho sa loob man o labas ng bansa. Sa mga karatula ng mga dyip, maaari mong maaninag ang pangalang Carriedo bilang destinasyon ng iyong patutunguhan. Subali’t maliban sa mga bagay na ito, dito lang ba nagtatapos ang ating pagkilala sa pangalang Carriedo?
Sa kasaysayan ng pampublikong kalusugan (o public health) sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng malinis na inumin ay sinasabing nagsimula noong 1690 sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang sistemang patubig sa San Juan del Monte na maghahatid ng tubig sa Maynila at karatig-lugar nito. Ito ay utang ng mga taga-Maynila kay Padre Juan Peguero, isang Dominiko, na siyang nagpasimula ng sistemang ito. Gayundin naman, dahil sa pilantropong si Heneral Don Francisco de Carriedo, mas lalo pang mapag-iibayo ang sistemang patubig sa Maynila.
Noong 1732, si Don Carriedo ay nag-iwan ng halagang sampung libong piso sa pamahalaan upang gamitin sa pagpapagawa ng isang makabagong sistemang patubig sa Maynila. Sa kasamaang palad, ang salaping ito ay nagugol ng pamahalaan sa pakikipaglaban sa mga Ingles na pansamantalang sumakop sa Maynila noong 1762 hanggang 1764. Sa disenyo ni Don Genaro Palacios, ang proyekto ay nasimulan lamang noong 1878 at pinasinayaan noong 1882. Ang sistemang ito ay tinatayang magtatagal ng dalawampung taon subalit sa katotohanan ay tumagal pa ng hanggang limampung taon.
Bilang pagpupugay sa taong ito, isang makasaysayang palatandaan ang matutunghayan ngayon sa tapat ng Simbahan ng Sta-Cruz malapit sa lugar ng Ongpin. Ang mga fountains sa liwasang ito ay nagsisilbing alaala sa dakilang adhikaing pinasimulan ni Don Carriedo para sa mga mamamayan ng Maynila.