Hindi Ako Galit
Narito pa ang isang ahensya ng pamahalaang dapat gisingin at kalampagin dahil na rin sa napakabagal na serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa mga taong ang nais lamang ay makatulog ng mahimbing sa gabi at matiyak ang seguridad ng kanilang mga tahanang pinaninirhan. Halos tatlong buwan na akong nagpaparoo’t parito sa napakalaking ahensyang itong matatagpuan sa CCP Complex. Sakay ng mga orange na jeep patungo sa isang masukal na bahagi ng CCP, hangad ko laging makalabas dito nang matiwasay at maluwalhati sakay muli ng naturang jeep (o di naman kaya ay lulan ng mga service bus ng ahensya). Subalit sa tuwing ako ay lalabas mula rito, ngitngit, poot, galit, nagpupuyos na damdamin ang naghahalo-halong nararamdaman ko. Nakakabuwisit lang talaga. Parang feeling ko, tumatanda ako ng ilang taon sa tuwing nagpupunta ako rito. Leche flan…
Napakaganda nga ng kanilang building pero napakakupad naman ng kanilang serbisyo. Napakalamig sa loob ng kanilang office pero hindi ako natutuwa sa kanilang sistema. Ang gaganda ng mga kagamitan pero hindi pa rin ako nasisiyahan. Ang follow-up dapat na nakatuon lamang sa isang tao, aba e ngayon ay tatlo na ang ka-phone pal ko sa tanggapang ito. Grrrrrrrr…. Gawin ka ba namang bola ng ping pong at pagpasa-pasahan, e di nahilo ka na kung sinu-sino ang mga dapat mong tawagan sa telepono. May mga hotlines naman yata sila, pero tama nga, mag-iinit lang ang ulo mo sa linya…
Simple lang naman ang pangarap ko sa buhay, ang maging maayos lahat. Ayaw kong magbitiw ng mga salitang hindi kaaya-aya. Pero may isang tanong lang na bumabagabag sa aking isipan: Mas aayos kaya ang mga files at records nila kung halimbawang may tsunami na manggaling sa Manila Bay at gulatin sila? Huwag naman sana. Wala lang, natanong ko lang. Hindi ako galit…