Ang Mahiwagang Digibox
Sa lahat ng mga utility companies na may kaugnayan sa bahay at buhay ko, wala na sigurong tatalo pa sa pagkatuso ng cable company na ito. Mantakin mong ang taas ng subscription fee nila gayong karamihan naman sa mga channels nila ay wala namang kuwenta. At ang dami pang kulang. Tapos pag magpapaputol ka ng subscription mo, totokahan ka pa ng disconnection fee na nagkakahalaga ng Php356! Walanghiya, kaya ka nga magpapaputol dahil wala ka ng pambayad sa kanila di ba? Malabo ang lohika ng mga kinauukulan.
Nakaraang Miyerkules, nagpunta ang mga magpuputol ng cable ko sabay kuha ng kanilang mahiwagang digibox (na siyang nagpapalinaw daw sa reception pero kumakain naman ng kuryente). Walang siningil na Php356. Mahusay.
Pero sa huli, mapagtatanto nating hindi na tayo mabubuhay sa kasalukuyang mundo nang walang cable sa bahay. Kung kaya’t nagpakabit muli ng cable sa iba namang kumpanya (na mas mura ang buwanang bayad). Ang problema eh walang makuhang local channels ang aming mahal na telebisyon. Ang isang pinagbibintangan ay ang digibox na sinaksak dati sa TV ko, maliban pa raw na baka sira ang TV ko. Pero paano ito, sira ang TV ko pero may mga nakukuha namang international channels? Parang hindi ako kumbinsido sa paliwanag. Lintek. Kung totoo man ang mga mokong na nagkabit ng bagong cable ko, ibig sabihin eh winasak ng digibox ang TV ko? Ang husay naman. Pero pwede ba talaga ito? O praning lang ako?
Sumunod na hakbang: tumawag sa ex-cable company para magtanong sa mga posibleng dahilan ng problema ko. Ang kanilang solusyon: sasadyain ng technican nila ang TV ko pero magbabayad daw ako ng Php356! Hahaha! Magaling. Mahusay ang plano ng mga tinamaan ng lintek. Nagpaikot lang kami. Sana ganito na lang sinabi nila sa akin dati: ‘Magbayad na lang po kayo ng Php356 para hindi po namin wasakin ‘yung TV n’yo at makasagap pa kayo ng mga local channels kung halimbawang magpapakabit kayo sa ibang kumpanya sa hinaharap’. Walanghiya, matapos kang gatasan nang ilang taon at magbayad nang buo nang walang pero-pero, heto ang ganti nila sa ‘yo. Mga walang pakundangan. Kaya hayun, hanggang ngayon eh hindi pa naaayos ang problema ko. Bwisit. At muli, inuulit kong sa lahat ng mga kumpanyang may kaugnayan sa bahay at buhay ko, ito ang isang kumpanyang hindi ko mapapatawad kung totoo ang haka-haka ko. Mga buwitre at ulupong.